Habang tumatagal, parang sakit na lumalala. Hindi ko magawang iwanan ka. Hindi ko magawang iwasan ka. Agad-agad nag re-reply sa mga message mo kahit hindi naman dapat na mag reply. Gustong-gusto ko iparamdam sayo na kahit sa simpleng bagay, andyan ako para sa'yo. Marahil, sa ganitong paraan, unti-unti ko rin makita ang mundo mo.
Parang batang naagawan ng kendi sa lungkot kapag wala ka. Hindi ko mapaliwanag kung bakit ganito na lamang ang pagka-sabik. Minsan ay parang kulang, ngunit ano bang karapatan kong humingi ng dagdag na atensyon gayung hanggang ganito lamang tayong dalawa.
Nais ko sanang maging tayong dalawa sa legal na paraan. Ngunit paano sisimulan? Parang nawalan ka na ng pag-asang maging malaya, gayung marami namang paraan sa panahon ngayon sa ganyang sitwasyon. Gusto kitang tulungan, gusto kong mamulat ka sa katotohanang pwede ka pang maging malaya at magmahal ng iba. May pag-asa pa para sa ating dalawa.
Hindi ko maipapangakong hindi ako mapapagod, pero hanggang alam kong lumalaban ka, hindi ako mawawala. Hanggang alam ko at nakikita kong gusto mo rin, andito lamang ako. At lahat ng ito ay dahil mahal kita.
-zcruz-
Thursday, September 11, 2014
Thursday, September 4, 2014
Isip na litong-lito, pusong hirap na hirap!
Pilit nilalayuan ngunit tadhana'y hindi mapigilan. Tadhana nga ba o isang damdamin na hindi lamang kayang pigilan at iwasan? Ilang beses ko ng binalak umalis sa sitwasyon namin ni Z, pero patuloy akong bumabalik pagkalipas ng ilang araw na hindi pakikipag usap sa kanya. Paulit-ulit sa isang sitwasyong wala pa ring linaw ang lahat.
Nagagawa kong sabihin na mahal ko siya, pero nalulungkot sa mga pinapakita niya. Marahil ay umaasa akong mangyayari sa tunay na buhay ang mga lalaking nakikita ko sa aking mga pinapanood at binabasa. Kaya't patuloy kong nilalagay ang aking sarili sa reyalidad ng tunay na pakikipag relasyon, lalong-lalo na sa panahon ngayon.
Minsan ay hindi ko matanggap ang tunay na ugali ni Z. Pero gustong-gusto ko ang pagiging totoong tao niya. Hindi sya sosyalerong lalaki katulad ng iba na halos hindi na makilala ang kanilang sarili sa sobrang mapagpanggap, ngunit minsan ay parang hindi na rin nababagay sa lugar ang nakikita ko kay Z. Hindi ko ito masabi sa kanya dahil alam kong ganito na sya. Marahil ay hindi rin ako sanay sa kung sino ba talaga sya.
Dahil sa ilang ugali na hindi ko kayang sabayan o makita sa ngayon, nahihirapan akong ipakita ang tunay kong nararamdaman. Mahal ko siya ngunit hindi ako sigurado kung kaya kong pakisamahan siya. Minsan ay iwas, minsan naman ay sobrang lambing. May mga oras na nawawala siya, gustuhin ko man alamin ngunit wala ako sa lugar upang magtanong ng magtanong.
Ano nga ba ako sa buhay ni Z? Iyan ang pilit kong iniisip, kahit alam kong nasasayang ang oras ko sa bagay na ito. Wala lang! Kaibigan lang ata ko. Wala kasi kaming malinaw na usapan hanggang ngayon. Takot akong magtanong, takot sa kung anong pedeng sabihin ni Z at marinig ko mula sa kanya.
Noong una ay kuntento ako sa kung anong meron kami, ngunit habang tumatagal ay hindi ko na nakakayang isipin na hanggang dito na lang kami. Gusto ko pa syang kilalanin, ngunit minsan ay napapansin ko na sya na mismo ang gumagawa ng paraaan para maging limitado ang nalalaman ko sa kanya. Gusto kong magtanong, pero nawawalan ako ng lakas ng loob kapag kasama ko na sya.
Paano ba ang gagawin ko? Mali ang humiling, lalo na kung hindi ko naman kayang panindigan ang sariling kagustuhan ko dahil sa reyalidad na may iba akong ka-relasyon, ngunit mahal ko na talaga si Z.
Subscribe to:
Comments (Atom)