Habang tumatagal, parang sakit na lumalala. Hindi ko magawang iwanan ka. Hindi ko magawang iwasan ka. Agad-agad nag re-reply sa mga message mo kahit hindi naman dapat na mag reply. Gustong-gusto ko iparamdam sayo na kahit sa simpleng bagay, andyan ako para sa'yo. Marahil, sa ganitong paraan, unti-unti ko rin makita ang mundo mo.
Parang batang naagawan ng kendi sa lungkot kapag wala ka. Hindi ko mapaliwanag kung bakit ganito na lamang ang pagka-sabik. Minsan ay parang kulang, ngunit ano bang karapatan kong humingi ng dagdag na atensyon gayung hanggang ganito lamang tayong dalawa.
Nais ko sanang maging tayong dalawa sa legal na paraan. Ngunit paano sisimulan? Parang nawalan ka na ng pag-asang maging malaya, gayung marami namang paraan sa panahon ngayon sa ganyang sitwasyon. Gusto kitang tulungan, gusto kong mamulat ka sa katotohanang pwede ka pang maging malaya at magmahal ng iba. May pag-asa pa para sa ating dalawa.
Hindi ko maipapangakong hindi ako mapapagod, pero hanggang alam kong lumalaban ka, hindi ako mawawala. Hanggang alam ko at nakikita kong gusto mo rin, andito lamang ako. At lahat ng ito ay dahil mahal kita.
-zcruz-
Thursday, September 11, 2014
Thursday, September 4, 2014
Isip na litong-lito, pusong hirap na hirap!
Pilit nilalayuan ngunit tadhana'y hindi mapigilan. Tadhana nga ba o isang damdamin na hindi lamang kayang pigilan at iwasan? Ilang beses ko ng binalak umalis sa sitwasyon namin ni Z, pero patuloy akong bumabalik pagkalipas ng ilang araw na hindi pakikipag usap sa kanya. Paulit-ulit sa isang sitwasyong wala pa ring linaw ang lahat.
Nagagawa kong sabihin na mahal ko siya, pero nalulungkot sa mga pinapakita niya. Marahil ay umaasa akong mangyayari sa tunay na buhay ang mga lalaking nakikita ko sa aking mga pinapanood at binabasa. Kaya't patuloy kong nilalagay ang aking sarili sa reyalidad ng tunay na pakikipag relasyon, lalong-lalo na sa panahon ngayon.
Minsan ay hindi ko matanggap ang tunay na ugali ni Z. Pero gustong-gusto ko ang pagiging totoong tao niya. Hindi sya sosyalerong lalaki katulad ng iba na halos hindi na makilala ang kanilang sarili sa sobrang mapagpanggap, ngunit minsan ay parang hindi na rin nababagay sa lugar ang nakikita ko kay Z. Hindi ko ito masabi sa kanya dahil alam kong ganito na sya. Marahil ay hindi rin ako sanay sa kung sino ba talaga sya.
Dahil sa ilang ugali na hindi ko kayang sabayan o makita sa ngayon, nahihirapan akong ipakita ang tunay kong nararamdaman. Mahal ko siya ngunit hindi ako sigurado kung kaya kong pakisamahan siya. Minsan ay iwas, minsan naman ay sobrang lambing. May mga oras na nawawala siya, gustuhin ko man alamin ngunit wala ako sa lugar upang magtanong ng magtanong.
Ano nga ba ako sa buhay ni Z? Iyan ang pilit kong iniisip, kahit alam kong nasasayang ang oras ko sa bagay na ito. Wala lang! Kaibigan lang ata ko. Wala kasi kaming malinaw na usapan hanggang ngayon. Takot akong magtanong, takot sa kung anong pedeng sabihin ni Z at marinig ko mula sa kanya.
Noong una ay kuntento ako sa kung anong meron kami, ngunit habang tumatagal ay hindi ko na nakakayang isipin na hanggang dito na lang kami. Gusto ko pa syang kilalanin, ngunit minsan ay napapansin ko na sya na mismo ang gumagawa ng paraaan para maging limitado ang nalalaman ko sa kanya. Gusto kong magtanong, pero nawawalan ako ng lakas ng loob kapag kasama ko na sya.
Paano ba ang gagawin ko? Mali ang humiling, lalo na kung hindi ko naman kayang panindigan ang sariling kagustuhan ko dahil sa reyalidad na may iba akong ka-relasyon, ngunit mahal ko na talaga si Z.
Thursday, July 24, 2014
Sanayan
Sa kabila ng nararamdaman naming pagmamahal sa isa't-isa, na kuntento na kami sa anong kayang ibigay. Kung minsan ay naghahanap pa rin ako ng atensyon niya, marahil nga siguro ito'y pagka sabik lamang. Kung minsan, inaasam-asam ko pa rin ang maging kami. Ngunit hindi talaga pwede.
Hindi man malinaw ang patutunguhan ng kung anong relasyon meron kami, sapat na sa ngayon ang masaya kami sa piling ng isa't-isa sa tuwing kami ay magkikita. Andun pa rin naman ang kwentuhan sa chat at text. Pero may pagkakataon na parang hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko para sa kanya. Gusto ko syang tawagan, ngunit pigil na pigil ang sarili kong gawin ang mga bagay na magpapakita na parang kami na talaga.
Ayaw ko siyang sakalin, mas pinapakita ko na wala akong pakialam kung ano man ang gawin niya. Kahit minsan ay masakit na. Kunwari'y ayos lang ang lahat. Ayaw kong magbigay ng reaksyon dahil wala naman akong karapatan.
Minsan ay parang ayaw ko na, pero hindi maiwasang hindi kausapin. Para bang nasanay na akong andyan siya, kahit hindi naman dapat.
Saturday, July 19, 2014
Pigil na damdamin
Madaling sabihin kay Z na mahal ko siya, pero dahil takot sumugal, nauuwi ang lahat sa biruan. Minsan parang nasasaktan na ako sa kasunduang ako naman ang humiling. Mahirap pa lang laruin ang pag-ibig! Hindi naman ako dating ganito. Madali para sa akin ang umalis sa isang sitwasyon kapag alam kong mauuwi sa "pagmamahalan".
Tinamaan nga ba ng pana ni kupido?
Mas madalas ko ng nararamdaman ang sinasabing "care" mula kay Z. Minsan parang sasabog ang pakiramdam ko sa tuwa na may halong kaba. Hindi ko na maitanggi sa sarili ko na mahal na mahal ko siya. Ngunit hindi ko rin masabi sa kanya o maipadama kung gaano ko na siya ka-mahal ngayon.
Hindi si Z ang tipo kong lalaki, pero dahil sa pagiging totoong tao niya, nakalimutan ko na kung ano ba talaga ang gusto ko. Madalas mas gusto ko na lamang humiga sa kama katabi si Z at yakapin siya. Ibang ligaya ang dala at hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga o bagay.
by: zcruz
Wednesday, July 16, 2014
Magulong Isipan
Kung saan madilim doon may ligaya ang pusong sabik, uhaw sa tunay na pag-ibig. Ngunit tunay nga ba? Dahil walang kasiguraduhan ang pagmamahalang pinagtagpo sa makasalanang paraan. Maaaring hibang lamang sa kasalukuyang nararamdaman. Paano kung mapawi ang uhaw? Mananatili pa ba ang pag-ibig na nagbigay ngiti sa pusong sawi?
Dininig ang nais, dumating si Z. Malambing, mapagmahal at maalaga. Kung minsan ay hinahanap-hanap ko na rin ang kanyang mga haplos. Nakakalungkot dahil alam kong ito'y panandalian lamang. Hindi pa rin kami at mukhang ang pagbabago ng aking ninanais ay hindi na rin matutupad.
May mga ugali si Z na hind ko gusto, pero dahil alam ko na mahal ko na siya, tinatawanan ko na lang. Nginingitian. Ayaw kong baguhin si Z katulad ng ginawa ko sa aking mga nakaraan. Nakikita ko ang pagiging totoong tao ni Z at yun marahil ang isa pang dahilan kung bakit kaya kong tanggapin kung paano siya sa harap ng ibang tao.
Hindi ko mapaliwanag ang panandaliang pagkawala sa sarili. Ibang-iba ang pakiramdam kapag nakaka-tikim ng kalayaan ang pusong makasalanan. Kung minsan, iniisip ko, kasalanan pa rin ba ang magmahal ng tapat sa isa pang tao? Ngunit sa huli'y matatanong pa rin ang salitang "tapat" sa mga pangyayaring ito sa amin ni Z.
Kung totoo man ang pagmamahalan naming dalawa, paano ba aalisin ang takot? Kung totoo ang nararamdaman, hanggang kailan magtatago sa dilim? Kung walang nililihim si Z, bakit kailangan laging kami lang? Malawak ang mundo at gusto kong makita ang lahat ng iyon.
Sa isang parte, hindi ko alam kung saan nanggagaling, gusto ko ng umiwas, mawala sa buhay niya.
Monday, July 14, 2014
Respeto
Isang tipikal na lalaki si Z, katulad ng mga lalaking nakakasama natin sa araw-araw. Mula sa pisikal na anyo, hindi naman gwapo, pero may appeal. Marunong pumorma, malinis sa katawan. Sa ugali, well, ugaling lalaki!
Ano ba ang nagustuhan ko sa kanya?
MAY RESPETO SA BABAE!
Andun na tayo sa malibog si Z, pero hindi sya katulad ng nakararaming lalaki dyan sa tabi-tabi na agad-agad sa motel dinadala ang babae. Yung ngumiti lang sa kanila yung babae, gusto na agad hubaran. Maaaring may ganun pangyayari sa part ni Z, pero mas pinili nyang kilalanin ako. Nag de-date kapag may time o kung kaya man ng time. Nood ng movie, dinner after office hours, chillax sa Restobar at stroll pag kaya pa ng gasolina. Simple lang naman trip naming dalawa, basta magkasama. Isa pa, may isang buwan pa lang kami magkakilala.
Kung saan patungo ito, hindi ko alam!
Minsan tinanong ko sya kung ano ba talaga kami. Ang sabi niya, "tayo". Mula noon, nilinaw ko na ayaw ko ng relasyon. Ayos na sa akin kung paano kami ngayon at ayaw ko ng lagyan ng label. Basta masaya, ok na yun! Pero minsan, parang gusto ko na putulin ang kasunduang iyon. Oo, gusto ko na maging kami at hindi ko alam kung paano sisimulan sabihin sa kanya. Kapag iniisip ko naman, hindi ko rin kayang ibigay yung mga hinihiling niya at mga hihilingin pa niya kapag nag lagay kami ng label sa kung ano ang meron kami ngayon. Ayos na ito! Playing safe kahit hindi naman laro ang nararamdaman ko.
Dahil sa tingin ko, at dahil na rin sa sinabi niyang masaya naman siya sa kung ano ang meron kami, hinahayaan ko na lang muna. Mas maayos, hindi komplikado ang sitwasyon, walang dapat ibigay dahil wala namang ekspektasyon sa aming dalawa. Kung ano ang kayang ibigay, ganun lang.
by: zcruz
Labels:
direksyon,
expectations,
laro,
oras,
pagibig,
pagmamahal,
relasyon,
respeto,
ugali
Friday, July 11, 2014
Pusong takot sumugal
Pag-ibig na lumitaw sa gitna ng magulong pamumuhay. Pag-ibig na hindi inaasahan at binulabog ang dalawang pusong tila takot masaktan at sumugal. Pag-ibig na walang kasiguraduhan. Pag-ibig na nag tatago sa dilim na tanging buwan lamang ang liwanag.
Nag simula sa isang tipikal na panonood ng sine, may lambing, ngunit hindi masabi kung may pag-ibig na nga ba o literal na landian lamang. Balikan ko man ang mga pangyayari, tanungin ko pa sa makikinig, siguradong landian ang umusbong sa unang pagkikita. Bakit nga ba hindi pwedeng pag-ibig sa unang pagkikita? Asan na ba ang tinatawag nilang "Love at first sight"? Totoo ba ito? Nangyayari pa ba ito? Ikaw na mambabasa, ikaw na ang bahalang sumagot sa mga simpleng tanong na iyan.
Kinagabihan, pagkatapos manood ng sine, muling nag tagpo ang dalawang pusong nababalot ng lungkot. Mga pusong naghahanap ng karamay, sinusubukang sumugal sa paraang mapusok. Sa kabila ng mga ninanais, nagawang pairalin ang respeto. Ito na ba ang pag-ibig? Nagsimula na ba?
Dumaan ang mga araw, ang mga linggo, habang tumatagal lalong gumugulo. Dalawang pusong takot umamin sa nararamdaman, tila nakukuntento sa kung anong meron at kayang ibigay. Ngunit ang pusong uhaw, kailanma'y hindi makapag titiis ng matagal. Ang pusong marunong lumaban, alam kung paano hingin ang karapatan. Saan patutungo ang dalawang pusong mapagpanggap? Kunwari'y kaya pa, ngunit para ng baliw sa tuwing mag-isa.
Ang isang puso ay nais ng akinin ang puso ng isa, ngunit paano? Sa anong paraan? Paano puputulin ang kasunduan? Paano sisimulan?
by: zcruz
Subscribe to:
Comments (Atom)