Thursday, July 24, 2014

Sanayan

Sa kabila ng nararamdaman naming pagmamahal sa isa't-isa, na kuntento na kami sa anong kayang ibigay.  Kung minsan ay naghahanap pa rin ako ng atensyon niya, marahil nga siguro ito'y pagka sabik lamang.  Kung minsan, inaasam-asam ko pa rin ang maging kami.  Ngunit hindi talaga pwede.  

Hindi man malinaw ang patutunguhan ng kung anong relasyon meron kami, sapat na sa ngayon ang masaya kami sa piling ng isa't-isa sa tuwing kami ay magkikita.  Andun pa rin naman ang kwentuhan sa chat at text.  Pero may pagkakataon na parang hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko para sa kanya.  Gusto ko syang tawagan, ngunit pigil na pigil ang sarili kong gawin ang mga bagay na magpapakita na parang kami na talaga.  

Ayaw ko siyang sakalin, mas pinapakita ko na wala akong pakialam kung ano man ang gawin niya.  Kahit minsan ay masakit na.  Kunwari'y ayos lang ang lahat.  Ayaw kong magbigay ng reaksyon dahil wala naman akong karapatan.  

Minsan ay parang ayaw ko na, pero hindi maiwasang hindi kausapin.  Para bang nasanay na akong andyan siya, kahit hindi naman dapat.  

Saturday, July 19, 2014

Pigil na damdamin

Madaling sabihin kay Z na mahal ko siya, pero dahil takot sumugal, nauuwi ang lahat sa biruan.  Minsan parang nasasaktan na ako sa kasunduang ako naman ang humiling.  Mahirap pa lang laruin ang pag-ibig!  Hindi naman ako dating ganito.  Madali para sa akin ang umalis sa isang sitwasyon kapag alam kong mauuwi sa "pagmamahalan".  

Tinamaan nga ba ng pana ni kupido?

Mas madalas ko ng nararamdaman ang sinasabing "care" mula kay Z.  Minsan parang sasabog ang pakiramdam ko sa tuwa na may halong kaba.  Hindi ko na maitanggi sa sarili ko na mahal na mahal ko siya.  Ngunit hindi ko rin masabi sa kanya o maipadama kung gaano ko na siya ka-mahal ngayon.  

Hindi si Z ang tipo kong lalaki, pero dahil sa pagiging totoong tao niya, nakalimutan ko na kung ano ba talaga ang gusto ko.  Madalas mas gusto ko na lamang humiga sa kama katabi si Z at yakapin siya.  Ibang ligaya ang dala at hindi kayang tumbasan ng kahit anong halaga o bagay.  

by: zcruz

Wednesday, July 16, 2014

Magulong Isipan

Kung saan madilim doon may ligaya ang pusong sabik, uhaw sa tunay na pag-ibig.  Ngunit tunay nga ba?  Dahil walang kasiguraduhan ang pagmamahalang pinagtagpo sa makasalanang paraan.  Maaaring hibang lamang sa kasalukuyang nararamdaman.  Paano kung mapawi ang uhaw?  Mananatili pa ba ang pag-ibig na nagbigay ngiti sa pusong sawi?

Dininig ang nais, dumating si Z.  Malambing, mapagmahal at maalaga.  Kung minsan ay hinahanap-hanap ko na rin ang kanyang mga haplos.  Nakakalungkot dahil alam kong ito'y panandalian lamang.  Hindi pa rin kami at mukhang ang pagbabago ng aking ninanais ay hindi na rin matutupad.

May mga ugali si Z na hind ko gusto, pero dahil alam ko na mahal ko na siya, tinatawanan ko na lang.  Nginingitian.  Ayaw kong baguhin si Z katulad ng ginawa ko sa aking mga nakaraan.  Nakikita ko ang pagiging totoong tao ni Z at yun marahil ang isa pang dahilan kung bakit kaya kong tanggapin kung paano siya sa harap ng ibang tao.  

Hindi ko mapaliwanag ang panandaliang pagkawala sa sarili.  Ibang-iba ang pakiramdam kapag nakaka-tikim ng kalayaan ang pusong makasalanan.  Kung minsan, iniisip ko, kasalanan pa rin ba ang magmahal ng tapat sa isa pang tao?  Ngunit sa huli'y matatanong pa rin ang salitang "tapat" sa mga pangyayaring ito sa amin ni Z.  

Kung totoo man ang pagmamahalan naming dalawa, paano ba aalisin ang takot?  Kung totoo ang nararamdaman, hanggang kailan magtatago sa dilim?  Kung walang nililihim si Z, bakit kailangan laging kami lang?  Malawak ang mundo at gusto kong makita ang lahat ng iyon.  

Sa isang parte, hindi ko alam kung saan nanggagaling, gusto ko ng umiwas, mawala sa buhay niya.  

Monday, July 14, 2014

Respeto

Isang tipikal na lalaki si Z, katulad ng mga lalaking nakakasama natin sa araw-araw.  Mula sa pisikal na anyo, hindi naman gwapo, pero may appeal.  Marunong pumorma, malinis sa katawan.  Sa ugali, well, ugaling lalaki!

Ano ba ang nagustuhan ko sa kanya?

MAY RESPETO SA BABAE!

Andun na tayo sa malibog si Z, pero hindi sya katulad ng nakararaming lalaki dyan sa tabi-tabi na agad-agad sa motel dinadala ang babae.  Yung ngumiti lang sa kanila yung babae, gusto na agad hubaran.  Maaaring may ganun pangyayari sa part ni Z, pero mas pinili nyang kilalanin ako.  Nag de-date kapag may time o kung kaya man ng time.  Nood ng movie, dinner after office hours, chillax sa Restobar at stroll pag kaya pa ng gasolina.  Simple lang naman trip naming dalawa, basta magkasama.  Isa pa, may isang buwan pa lang kami magkakilala.  

Kung saan patungo ito, hindi ko alam!

Minsan tinanong ko sya kung ano ba talaga kami.  Ang sabi niya, "tayo".  Mula noon, nilinaw  ko na ayaw ko ng relasyon.  Ayos na sa akin kung paano kami ngayon at ayaw ko ng lagyan ng label.  Basta masaya, ok na yun!  Pero minsan, parang gusto ko na putulin ang kasunduang iyon.  Oo, gusto ko na maging kami at hindi ko alam kung paano sisimulan sabihin sa kanya.  Kapag iniisip ko naman, hindi ko rin kayang ibigay yung mga hinihiling niya at mga hihilingin pa niya kapag nag lagay kami ng label sa kung ano ang meron kami ngayon.  Ayos na ito!  Playing safe kahit hindi naman laro ang nararamdaman ko.  

Dahil sa tingin ko, at dahil na rin sa sinabi niyang masaya naman siya sa kung ano ang meron kami, hinahayaan ko na lang muna.  Mas maayos, hindi komplikado ang sitwasyon, walang dapat ibigay dahil wala namang ekspektasyon sa aming dalawa.  Kung ano ang kayang ibigay, ganun lang.  


by: zcruz

Friday, July 11, 2014

Pusong takot sumugal

Pag-ibig na lumitaw sa gitna ng magulong pamumuhay.  Pag-ibig na hindi inaasahan at binulabog ang dalawang pusong tila takot masaktan at sumugal.  Pag-ibig na walang kasiguraduhan.  Pag-ibig na nag tatago sa dilim na tanging buwan lamang ang liwanag. 

Nag simula sa isang tipikal na panonood ng sine, may lambing, ngunit hindi masabi kung may pag-ibig na nga ba o literal na landian lamang.  Balikan ko man ang mga pangyayari, tanungin ko pa sa makikinig, siguradong landian ang umusbong sa unang pagkikita.  Bakit nga ba hindi pwedeng pag-ibig sa unang pagkikita?  Asan na ba ang tinatawag nilang "Love at first sight"?  Totoo ba ito? Nangyayari pa ba ito?  Ikaw na mambabasa, ikaw na ang bahalang sumagot sa mga simpleng tanong na iyan.

Kinagabihan, pagkatapos manood ng sine, muling nag tagpo ang dalawang pusong nababalot ng lungkot.  Mga pusong naghahanap ng karamay, sinusubukang sumugal sa paraang mapusok.  Sa kabila ng mga ninanais, nagawang pairalin ang respeto.  Ito na ba ang pag-ibig?  Nagsimula na ba?

Dumaan ang mga araw, ang mga linggo, habang tumatagal lalong gumugulo.  Dalawang pusong takot umamin sa nararamdaman, tila nakukuntento sa kung anong meron at kayang ibigay.  Ngunit ang pusong uhaw, kailanma'y hindi makapag titiis ng matagal.  Ang pusong marunong lumaban, alam kung paano hingin ang karapatan.  Saan patutungo ang dalawang pusong mapagpanggap?  Kunwari'y kaya pa, ngunit para ng baliw sa tuwing mag-isa.  

Ang isang puso ay nais ng akinin ang puso ng isa, ngunit paano?  Sa anong paraan?  Paano puputulin ang kasunduan?  Paano sisimulan?

by: zcruz