Thursday, September 11, 2014

Pag-asa

Habang tumatagal, parang sakit na lumalala.  Hindi ko magawang iwanan ka.  Hindi ko magawang iwasan ka.  Agad-agad nag re-reply sa mga message mo kahit hindi naman dapat na mag reply.  Gustong-gusto ko iparamdam sayo na kahit sa simpleng bagay, andyan ako para sa'yo.  Marahil, sa ganitong paraan, unti-unti ko rin makita ang mundo mo.

Parang batang naagawan ng kendi sa lungkot kapag wala ka.  Hindi ko mapaliwanag kung bakit ganito na lamang ang pagka-sabik.  Minsan ay parang kulang, ngunit ano bang karapatan kong humingi ng dagdag na atensyon gayung hanggang ganito lamang tayong dalawa.

Nais ko sanang maging tayong dalawa sa legal na paraan.  Ngunit paano sisimulan?  Parang nawalan ka na ng pag-asang maging malaya, gayung marami namang paraan sa panahon ngayon sa ganyang sitwasyon.  Gusto kitang tulungan, gusto kong mamulat ka sa katotohanang pwede ka pang maging malaya at magmahal ng iba.  May pag-asa pa para sa ating dalawa. 

Hindi ko maipapangakong hindi ako mapapagod, pero hanggang alam kong lumalaban ka, hindi ako mawawala.  Hanggang alam ko at nakikita kong gusto mo rin, andito lamang ako.  At lahat ng ito ay dahil mahal kita. 

-zcruz-

No comments:

Post a Comment