Wednesday, July 16, 2014

Magulong Isipan

Kung saan madilim doon may ligaya ang pusong sabik, uhaw sa tunay na pag-ibig.  Ngunit tunay nga ba?  Dahil walang kasiguraduhan ang pagmamahalang pinagtagpo sa makasalanang paraan.  Maaaring hibang lamang sa kasalukuyang nararamdaman.  Paano kung mapawi ang uhaw?  Mananatili pa ba ang pag-ibig na nagbigay ngiti sa pusong sawi?

Dininig ang nais, dumating si Z.  Malambing, mapagmahal at maalaga.  Kung minsan ay hinahanap-hanap ko na rin ang kanyang mga haplos.  Nakakalungkot dahil alam kong ito'y panandalian lamang.  Hindi pa rin kami at mukhang ang pagbabago ng aking ninanais ay hindi na rin matutupad.

May mga ugali si Z na hind ko gusto, pero dahil alam ko na mahal ko na siya, tinatawanan ko na lang.  Nginingitian.  Ayaw kong baguhin si Z katulad ng ginawa ko sa aking mga nakaraan.  Nakikita ko ang pagiging totoong tao ni Z at yun marahil ang isa pang dahilan kung bakit kaya kong tanggapin kung paano siya sa harap ng ibang tao.  

Hindi ko mapaliwanag ang panandaliang pagkawala sa sarili.  Ibang-iba ang pakiramdam kapag nakaka-tikim ng kalayaan ang pusong makasalanan.  Kung minsan, iniisip ko, kasalanan pa rin ba ang magmahal ng tapat sa isa pang tao?  Ngunit sa huli'y matatanong pa rin ang salitang "tapat" sa mga pangyayaring ito sa amin ni Z.  

Kung totoo man ang pagmamahalan naming dalawa, paano ba aalisin ang takot?  Kung totoo ang nararamdaman, hanggang kailan magtatago sa dilim?  Kung walang nililihim si Z, bakit kailangan laging kami lang?  Malawak ang mundo at gusto kong makita ang lahat ng iyon.  

Sa isang parte, hindi ko alam kung saan nanggagaling, gusto ko ng umiwas, mawala sa buhay niya.  

No comments:

Post a Comment